Powered by Blogger.

Thursday, May 12, 2005

Pistang Sentenaryo, 'Yon na ba 'yon?


As usual, gahol na naman ako sa oras para sa deadline ko dito sa anluwage.com. Eto't nagkukumahog na naman ako sa pagsusulat. Ano bang magandang topic? Fiesta? Common na. Santa Cruzan? Kabi-kabila na yon? Tsismis?

Mmm...interesting.

***

Para umanong mapait na gamot ang ginawang pagbibitiw ni Bro. Totoy Santos, ang may-ari ng Santos Pharmacy, bilang taga-pangulo ng Special Ministers of the Eucharist ng Saint Joseph de Gagalangin Parish kamakailan. Ayon sa ating mga espiya, may kinalaman diumano rito ang kanilang pagtatalo ng ating Kura Paroko tungkol sa tamang kuwalipikasyon upang maging isang Lay Minister.

Kailan kaya ang talab ng gamot?

***

Speaking of Kura Paroko, hindi na mabilang sa kamay ang nagpapahayag umano ng kanilang pagkadismaya sa paraan ng pagpapatakbo ng ating Parokya. May nakarating pa sa ating sitsit na 3 na umanong petisyon ang naihain sa tanggapan ng Vicar Forane ng Vicariate of the Holy Spirit laban sa ating Kura. Isa na umano rito ang naibasura dahil sa kakulangan ng merito.

Ang masasabi ko? BELAAAT!!!

***

Alalahanin natin na ang mga Kura Paroko ay hindi mga pangkaraniwang opisyal na basta na lamang mapapatalsik sa pamamagitan ng mga petisyon-petisyon. Sila ay itinatalaga ng Arsobispo upang maging kinatawan niya sa mga parokya. Kailangan ng matinding dahilan upang gumawa ng aksiyon ang Arsobispo.

Anong masasabi ko? Try and try until you success. Wakikiki!!!

***

Ang anluwage.com ay naniniwala sa lakas ng katotohanan lamang. Inilalabas ko ang mga tsismis na ito hindi upang magkalat ng tsismis o mga balitang hilaw sa katotohanan. Ipinapain natin ang mga sitsit na ito upang mapilitang lumutang ang katotohanan.

Blah, blah, blah!!!

***

Teka, naubusan na naman kami ng Gasul. Bibili muna ako. For the meantime, iri-recycle ko muna yung luma kong article pampiyesta para sa mga di nakabasa nito noon. OK?

Happy Fiesta? Sige na nga. Happy Fiesta na! Wala tayong magagawa. Ito na yun- Pistang Sentenaryo.

***

Ilang mga pagmumuni-muni ko tungkol sa Gagalangin:

BARMAT - Pasensiya na pero talagang Baryo Matae ang tawag sa isang lugar na ito sa Gagalangin. Di ko na papangalanan kung saan ito dahil takot akong mapana. Basta ang alam ko kailangan mong ingatan ang bawat hakbang mo sa lugar na ito dahil kung hindi tiyak shet na malagket ang dadampi sa tsinelas o sapatos mo. Normal na eksena na rito tuwing umaga: mga bagong gising na bata, pupungas-pungas na lumalabas mula sa kanilang bahay, uupo sa kung saan nila gusto at saka buong pwersang ibabagsak ang kanilang “sama ng loob.”

ROTONDA – Plaza Balagtas daw ngayon courtesy of Councilor Jhun Concepcion. Sa pinakasentro nito ay ang monumento ni Gat. Franciso “ Balagtas” Baltazar. Minsan isang bagong taon, may mga “cute ang inang” mga tinedyer ang nag-trip. Galit siguro sa haba ng Florante at Laura kaya tinaniman ng “Super-lolo” ang monumento at saka sinindihan. Kawawang Balagtas, leeg na lang ang natira.

BAWAL MAGTAPON NG BASURA DITO – Hanggang ngayon niri-research ko pa rin sa National Library kung sino ang nakaimbento ng mga salitang ito. Gusto ko kasing malaman kung noong imbentuhin niya ito ay kasama ang salitang “bawal.” Kasi kung saan merong ganitong paskil, doon naman maraming tambak na basura.

NORTH BAY POST OFFICE – Only in Gagalangin kaya may nakataling aso sa pintuan ng post office, katabi ng nagtitinda ng sigarilyo? WELCOME! ( Nga pala, noon yon, ha? Buhay pa ba yung aso o napulutan na? )

SI ALING CHING AT SI ALING LINDA - Ang pinakapaborito kong malulusog na tindera ng baboy at baka sa Pamilihang Bayan ng Pampanga.

KUMUNOY, HALIGING BATO, SUNOG-APOG - Saan? Kada dadaan ako sa Kalye Bulacan, sa gilid ng Torres High School, hinahanap ko yung kumunoy pero di ko naman Makita. Bakit kaya tinawag na Kumunoy ang lugar na ito? Ganoon din sa Kalye Pampanga, sa likod ng Jollibee at 7-Eleven; Haliging-Bato ang tawag , di ko naman alam kung bakit. Ganoon din sa kalye sa pagitan ng Laurel High School at talipapa; Sunog-Apog ang tawag samantalang wala namang sunog.

PARAISO – Ang palaruan ng mga bata malapit sa Hermosa. Wala doon sina Eba at Adan, ha?! Di ba pinalayas nga?

LUZON - Sa Gagalangin, wala pang isang oras ay malilibot mo na ang halos buong Luzon. Umpisahan mo sa Pampanga, kilalang bilihan ng pasalubong na buko at lugaw ni Jossa. Daan ka sa Bulacan at makitambay sa mga estudyante ng Osmena. Tapos daan ka sa Cavite. Wala lang. Daan ka lang. Wala naman kasing anting-anting dito. Then diretso ka na sa Laguna Extension para mag-horse back riding. Daming kuwadra ng kabayo doon. Since malapit ka na sa Batangas, why not? Kaso di na yata sakop ng Gagalangin iyon.

***


MULTO SA INTERNET.Ilang email ang natanggap ko recently about this picture. Na kesyo kailangan ko raw i-send ito sa 13 email address bago dumating ang Biyernes, May 13 at kung hindi ay mamamatay daw ako.

Katarantaduhan!

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP