2 holdaper bugbog-sarado sa mga galit na residente.
Ayon sa ulat ng 24 Oras ng GMA-7, dalawang holdaper ang nabigong holdapin ang isang pampaseherong jeepney diyan sa may kalye Dalaga kanto ng Honorio Lopez Boulevard dahil sa maagap na pagsaklolo ng ilang mga galit na residente.
Belaaat!
Sa palagay ninyo, lahat kaya ng nanggulpi sa mga holdaper ay galit sa krimen o may iba pang kadahilanan? Nagmukha kasing chicharon ang dalawang kamote dahil sa dami ng tadyak, suntok at sampal na inabot sa mula mga mababangis na Gagalangineno.
Mmmmmm.
Maaaring lubha talagang galit sa krimen ang ilang mga bugbugero na naroroon. Ngunit mayroon akong sariling theory dito. Pwedeng mainit lang ang ulo ng isang residente dahil walang pambili ng load.
O kaya napaghugas ng pinggan ng asawa.
Sabi sa interview ng isang opisyal ng Manila Police District Station 1 matagal na raw crime-prone ang kalye na ito sa likod ng ICAM ( Immaculate Concepcion Academy of Manila). Totoo naman, dahil sa bukod sa ilang ang lugar na ito, nuknukan pa nang dilim.
Sir, ano po kaya ang mabuting gawin natin?
Habang walang naiisip na lunas ang ating kapulisan para sa lugar na ito, mag-ingat na lang ang mga magtatangkang mang-holdap sa lugar na ito.
Dahil baka dumating si Captain Barbell!
Ewan ko kung natatandaan pa ni Vlad Reyes, presidente ng Tanghalang Anluwage, ang pelikulang Mulanay. Sabay kasi namin itong pinanood sa Cinema 2 ng SM Tutuban. Pareho namin nagustuhan ang pelikula dahil mahusay ang pagkakagawa rito ni Direktor Gil M. Portes. Tapat nitong inilarawan ang kwento ng isang bagong graduate na duktora na mas piniling maging doctor to the barrio sa kabila ng pressure ng kanyang nanay at mga kaibigan.
Kwela.
After Mulanay, wala na akong nagustuhan sa mga trabaho ni Portes. Pero kagabi, isang kaibigan ang nagpahiram ng kopya ng Homecoming, isa pa rin pelikula ni Portes, tampok si Alessandra de Rossi.
Kuwento ng isang DH na nagbalik-bayan matapos ang 5 taon na paglilingkod sa Toronto, Canada. Masaya sana ang lahat kung di lamang nabahiran ng lungkot nang biglang mamatay ang bunso niyang kapatid dahil sa sakit na SARS.
Lahat ng mga daliri ng paninisi ng buong baryo ay sa kanya nakaturo dahil siya umano ang nagdala ng salot sa kanilang lugar. Na-quarantine ang buong baryo.
Nanumbalik ang paghanga ko kay Portes matapos kong panoorin ang Homecoming. Mahusay, pulido at nakakakilabot ang pagkakagawa. Kaya lang, ang balita ko'y di ito gaanong napansin sa box-office.
Sayang. Subukan ninyong habulin sa mga video stores.
Tila mahina ang dating sa publiko ng grupong nagnanais na ma-impeach si Pangulong Gloria Arroyo. Hindi dahil sa gusto pa ng mga Pinoy na manatili si PGMA sa puwesto kundi dahil sa kulang ng pampainit ang grupo ni Dinky Soliman.
Ok, maganda ang rehistro sa TV ng pag-iyak ni Dinky pero yung background music na Bayan Ko na kinakanta ng kanyang tropa with matching kandila in the air ay tila nilipasan na ng magic. Pasintabi sa mga kumakain, pero sa palagay ko kailangan na natin ng bagong awit na gigising sa nasyonalismo ng bagong henerasyon.
Paging Shamrock! Paging Kitchie Nadal!

Eh iyong iba kayang Anluwage, kumusta na? Paramdam naman kayo sabi ni Ate Ana!
QUOTE-kutin: The greatest destroyer of peace is abortion because if a mother can kill her own child what is left but for me to kill you and you to kill me? There is nothing between. - Mother Teresa of Calcutta
For comments and violent reactions, please email tanggero@catholic.org .
Bawal ang death threats ha.
No comments:
Post a Comment