Powered by Blogger.

Tuesday, November 01, 2005

Mga Kababalaghan sa Gagalangin

HALLOWEEN na naman, kaya mga kwentong nakakatakot tayo. Totoo ba ang kumakalat na bulung-bulungan tungkol sa mga gumagalang multo sa Gagalangin? Bakit kaya hindi matahimik ang mga kaluluwang ito? Ano ang pakay nila sa atin? Ano ang magagawa natin upang sila ay bigyan ng katahimikan. Talakayin natin.

Awoooooo!

***


Nakakapanindig-balahibo ang mga eksenang nagaganap sa mga lugar na di kalayuan sa mga eskuwelahan. Kadalasan sa mga eskinita at ilang tambayan ng mga estudyante sa high school. Ang tagpo: si estudyante ay pasimpleng mag-aabot ng pera na nakatupi ng pagkaliit-liit sa isang estranghero na mag-aabot naman ng maliit na sachet na may lamang parang mga kristal na dinurog.

Anong hiwaga ito?

***


Sino itong mga nilalang na lumalaboy sa mga madidilim na lansangan ng Gagalangin sa tuwing sasapit ang kalalaliman ng gabi? Ayon sa mga pinagpapakitaan, ito ay parang mga kalahating-lalake at kalahating-babae, humahalimuyak sa bango na parang mga bulaklak at malalakas kung magsihalakhak. At kung minsan pa'y may kulay ang mga mukha at namumula ang mga labi.

Anong kababalaghan ang nakabalot dito?

***


Quote mula kay Jules Renard, isang French writer, "We are in the world to laugh. In purgatory or in hell we shall no longer be able to do so. And in heaven it would not be proper.."

Agree or disagree?

***


Di ko pa rin maiwasang kilabutan tuwing naaalala ko ang isang karanasan namin noong ginagawa ng Tanghalang Anluwage, Inc. ang dulang June At Johnny. Di ko na babanggitin ang lugar at baka katakutan pa ng iba. Isang gabing nagri-rehearse kami, hindi ko alam na isa pala sa cast namin ay mayroong "gift" na makakita ng mga bagay na hindi nakikita ng pangkaraniwang mata.

***


Sinabi niya sa aming lahat na may nakikita siyang nanonood sa amin. Nang lingunin namin ang buong paligid ay wala naman kaming nakita. Subalit ipinipilit niyang mayroon. Pakiramdaman daw namin mabuti. Buong akala namin ay nagbibiro lang ito ngunit lahat kami ay unti-unti nang kinikilabutan. Kaya sinabi naming hindi magandang biro iyon. Tumingin daw kami sa gallery ng auditorium.

***


Iisa ang naging reaksiyon naming lahat matapos kaming tumingin sa gallery:


Mabilis pa sa alas-kuwatrong nagtakbuhan kami palabas ng auditorium.

***


Next day na-realized namin na mali ang ginawa naming pagtakbo. Dapat kaagad namin ipinagdasal kung sino man ang nagpaparamdam na iyon. Kaya sa umpisa pa lamang ng sumunod na rehearsal, siya na agad ang ipinagdasal namin. Pagkatapos ay kinausap namin siya at humingi kami ng paumanhin kung nagagambala namin siya.

Then, hindi na namin siya pinansin, kahit pa alam naming nasa gallery pa rin siya.

***


Kung ikaw ay Torresian, imposibleng hindi mo alam ang kwento ng "babaeng nakaputi" na palagi umanong nagpapakita at nagpaparamdam sa ilang estudyante ng Torres at sa pare-parehong lugar pa,- sa isang department sa ikatlong palapag.

***


Ilang batch na ng mga boy scouts ang nagkukuwento ng kanilang halos magkakaparehong karansan sa "babeng nakaputi." Mula sa quadrangle ng Torres ay nakita umano nila ang "babeng nakaputi" na nakatayo sa pasilyo ng ikatlong palapag at nagmamasid sa kanila. At sa tuwing tatangkain nila itong lapitan ito ay naglalaho.

Shy type.

***


Naniniwala ba kayo sa aswang? Isa raw itong lamang-lupa na kumakain ng tao at hayok na hayok sa dugo. Sa panahon ng makabagong teknolohiya, ang mga aswang ay patuloy na gumagala at nambibiktima ng mga tao. Subalit kakaiba ang mga aswang na ito. Hindi tao at dugo ang nais kainin at inumin ng mga ito kundi ang load ng ating mga cellphone. Ang tawag sa kanila?

TV NETWORKS.

***


Mag-ingat kayo sapagkat mapanganib ang mga ito. Hindi kayo tatantanan hanggat hindi nauubos ang laman ng inyong cellphone. Lalong-lalo na ang bagong strain na kung tawagin ay Pinoy Big Brother. Magaling magpalit ng anyo ang "aswang" na ito sapagkat hindi mo mahahalata na ang load mo pala ang kanyang inaasinta.

***


Alam kong wala akong pakialam sa load mo. Load mo iyan kaya pwede mong gamitin sa kung saan mo gustong gamitin. Pero ang sa akin lang ay paalala. Pagkatapos mong magtapon ng load sa text votes, anong napala mo? Self-satisfaction?

Come on! Give me a break!

***
For your comments, please email tanggero@catholic.org.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP