Powered by Blogger.

Thursday, May 11, 2006

BARMAT ATBPA

(reloaded)

Kalugin ninyo ang utak ko ngayon at sari-saring larawan, salita, pangalan at kung anu-ano pa ang sasambulat tungkol sa Gagalangin.

BARMAT - Pasensiya na pero talagang Baryo Matae ang tawag sa isang lugar na ito sa Gagalangin. Di ko na papangalanan kung saan ito dahil takot akong mapana. Basta ang alam ko kailangan mong ingatan ang bawat hakbang mo sa lugar na ito dahil kung hindi tiyak shet na malagket ang dadampi sa tsinelas o sapatos mo. Normal na eksena na rito tuwing umaga: mga bagong gising na bata, pupungas-pungas na lumalabas mula sa kanilang bahay, uupo sa kung saan nila gusto at saka buong pwersang ibabagsak ang kanilang “sama ng loob.”

BAWAL MAGTAPON NG BASURA DITO – Hanggang ngayon niri-research ko pa rin sa National Library kung sino ang nakaimbento ng mga salitang ito. Gusto ko kasing malaman kung noong imbentuhin niya ito ay kasama ang salitang “bawal.” Kasi kung saan merong ganitong paskil, doon naman maraming tambak na basura.

NORTH BAY POST OFFICE – Only in Gagalangin kaya may nakataling aso sa pintuan ng post office, katabi ng nagtitinda ng sigarilyo? WELCOME! ( Nga pala, noon yon, ha? Buhay pa ba yung aso o napulutan na? )

SI ALING CHING AT SI ALING LINDA - Ang pinakapaborito kong malulusog na tindera ng baboy at baka sa Pamilihang Bayan ng Pampanga.

KUMUNOY, HALIGING BATO, SUNOG-APOG - Saan? Kada dadaan ako sa Kalye Bulacan, sa gilid ng Torres High School, hinahanap ko yung kumunoy pero di ko naman Makita. Bakit kaya tinawag na Kumunoy ang lugar na ito? Ganoon din sa Kalye Pampanga, sa likod ng Jollibee at 7-Eleven; Haliging-Bato ang tawag , di ko naman alam kung bakit. Ganoon din sa kalye sa pagitan ng Laurel High School at talipapa; Sunog-Apog ang tawag samantalang wala namang sunog.

PARAISO – Ang palaruan ng mga bata malapit sa Hermosa. Wala doon sina Eba at Adan, ha?! Di ba pinalayas nga?

LUZON - Sa Gagalangin, wala pang isang oras ay malilibot mo na ang halos buong Luzon. Umpisahan mo sa Pampanga, kilalang bilihan ng pasalubong na buko at lugaw ni Jossa. Daan ka sa Bulacan at makitambay sa mga estudyante ng Osmena. Tapos daan ka sa Cavite. Wala lang. Daan ka lang. Wala naman kasing anting-anting dito. Then diretso ka na sa Laguna Extension para mag-horse back riding. Daming kuwadra ng kabayo doon. Since malapit ka na sa Batangas, why not? Kaso di na yata sakop ng Gagalangin iyon.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP