Powered by Blogger.

Monday, April 02, 2007

Si Mang Gorio

Kilala siya ng Gagalangin bilang si Gorio. May mga nagsasabing siya ay genius dahil maraming dala-dalang aklat kahit saan magpunta. May ilan naman na ang turing sa kanya ay baliw.

Ako, di ko alam kung alin sa dalawa.

***


Madalas namin siyang makakuwentuhan ni Manong Pietro noong araw. Marami kaming mga natatalakay: pulitika, relihiyon, at mga tsismis sa paligid. Magkagayunman, talagang hindi ko matukoy ang kalagayan ng kanyang pag-iisip Masarap siyang kausap ngunit mahirap tagalan ang kanyang kakaibang amoy sa katawan at ang kanyang mga ngiti…

Na mistulang data base ng mga kinain niya mula pa noong 80s.

***


Kahit pa sabihing siya ay "walking trash can" mas gusto ko siyang kausap kesa sa ilang ipokrito't ipokritang mga taong-simbahan.

Tabi-tabi po.

***


Kamakailan lamang ay nakita kong muli si Gregory, ang tawag niya sa kanyang sarili, subalit laking panlulumo ko sa kanyang sinapit. Mas lalo siyang lumala.

Isa na siyang bio-hazard, Manong Piet.

***


Hindi ito pang-iinsulto. Gusto ko siyang ilarawan sa tunay niyang kalagayan. Ang kanyang suot na maroon jogging pants ay dating red. Nag-evolved ang kulay nito at maging ang kanyang dating puting t-shirt dahil na rin sa magkakahalong dumi ng lansangan, mga natapong pagkain, pawis at …

Human waste.

***


Kung dati-rati ay sa likod ng simbahan ng Gagalangin siya natutulog, ngayon ay ang rotonda ni Vicente del Fierro na ang itinuturing niyang master's bedroom. At sa kanyang pamamahinga ay hindi niya maiwasang paglaruan siya ng mga bata sa paligid. Naroong itakbo ng mga ito ang kanyang plastic bag na naglalaman ng kanyang mga damit o kaya ay hilahin ang karton na kanyang hinihigan.

***


Tsk…tsk…tsk…Kung alam lamang ng mga batang ito na minsan isang panahon ay marami rin natulungan si Mang Gorio noong hindi pa siya bulag. Oo, halos hindi na nakakakita ang matanda. Kaya nga madalas maloko sa tindahan at hindi nabibigyan ng tamang sukli.

***


Sa hitsura niya ngayon, hindi mo nga naman aakalain na dati itong fire at traffic volunteer at tagahila ng mga karosa ng santo tuwing prusisyon. Sino ba ang dapat sisihin sa kanyang sinapit?

O meron bang tamang sisihin sa nangyari sa kanya?

***


Sa pagtatanung-tanong ko, kinuha na umano dati ng Social Welfare itong si Mang Gorio sa sumbong na rin ng isang opisyal ng baranggay at dinala sa isang ampunan subalit nagmakaawa umano ito sa isang pulitiko kaya muling nakalabas.

***


Nang magawi ako sa isang botika, nakita kong na naman si Mang Gorio at ipinakikita sa tindera ang kanyang napakalaking bukol sa tagiliran, na halos sinlaki ng ulo ng sanggol. Kung ano ito, hindi ko alam. Basta ang alam ko hindi ito nakakatuwa.

Diyos ko, Diyos ko, bakit mo po siya pinabayaan?

***


For your comments, please email tanggero@catholic.org

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP