Powered by Blogger.

Friday, June 15, 2007

Uuwi Na Si Daddy, Ashley!

May iba't ibang amoy, korte at kulay ang mga ama. Kahit pa sabihing may ilang mga ama na pabaya, lasenggo, sugarol, babaero at minsan pa nga ay rapist, mas marami pa rin ang bilang ng mga ama na tunay na panalo!

***



Hindi natin napapansin, o mapansin man natin ay huli na, na halos 3/4 ng buhay ni PAPsi ay ginugol niya sa paggising nang maaga at pagpasok sa trabaho upang mapakain tayo, mapag-aral, mabigyan ng baon sa araw-araw.

At maibili ng PlayStation.

***


Umangal ka pa dahil Made in China lang. Ang kapal mo din 'no? Tingnan mo nga minsan ang kabinet ng tatay mo. Karamihan ng medyas at brief niya ay luma na.

Di mo na nga halos mabasa iyong Hanford na nakasulat. Samantalang ikaw ay Calvin Klein pa.

Ok lang sa kanya iyon. Ang importante naman para sa kanya ay may maayos kang mga gamit. Na may load lagi ang cell mo. Na may pambili ka ng Red Horse at yosi.

Kahit kalahating ulam, isang kanin at libreng sabaw ang tanghalian niya sa AristoCART araw-araw.

***


May mga gabi pa ngang di siya makatulog sa pag-iisip kung saan kukunin ang pang-enroll mo para sa next sem. Pero lahat ito ay mga materyal na aspeto lang ng pagiging ama. Mas kabado siya sa kahihitnan ng iyong pagkatao sa kinabukasan.

Maganda kaya ang Chemistry nila ng mommy mo?

***


May common dilemma ang karamihan sa mga OFW Dads. Tulad nitong si Daddy Oliver.Nang umalis siya noong December 2003 papuntang Jeddah, Saudi Arabia ay 1 month na buntis ang misis niya sa kanilang bunsong si Ashley. Di pa umuuwi si Daddy Oliver mula noon kaya di pa sila nagkikitang mag-ama.

Kapag naglo-long distance nga siya ay ayaw siyang kausapin ni Ashley. Kaya panay na lang ang padala niya ng pictures para pag-uwi niya sa December hindi mailang ang kanyang bunso.

Ashley, uuwi na si Daddy.

***


Iba naman ang kaso ni Elmer sa kanyang bunso. Umuwi siya dito sa Pinas nito lang February 2007. Maliit pa ang kanyang bunso noong umalis siya 2 years ago for Jeddah, Saudi Arabia rin. Noong dumating siya sa kanilang bahay ay titingin-tingin lang sa kanya ang paslit. Kukurap-kurap. Kinikilala siguro siya.

Pero kinagabihan ay nag-iba ang ihip ng hangin. Tabi-tabi kasi silang matulog sa isang malaking kama. Nag-alburoto si Bunso. Sinipa-sipa si Daddy Elmer.

"Umalis ka rito! Alis! Umuwi ka na sa inyo..."


***


Si Daddy Ronnie, isa pa rin OFW sa Saudi, ay mapagkakamalan mong may tagas ang utak. Kapag wala rin lang ginagawa ay nakatitig sa picture ng kanyang isang taong gulang na anak na si RJ. Ritwal na niyang titigan ang litrato ng anak lalo na bago matulog sa gabi.

Aliw na aliw siya kapag nakakausap niya si Utoy sa cellphone. Tanggal ang homesick niya.

Kahit pa da...da....da lang ang naririnig niya.

***


Nag-iipon na nga si Daddy Ronnie ngayon. Gusto niyang ibili ng kotse ang bata.

Broooom, brooom, brrooooooom!

***


Ilan lang 'yan sa mga common na karanasan ng mga amang nangibang bansa upang bigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak. Nagtiis na mawalay sa kanilang asawa't mga anak. Nagkasya na lang sa text messaging at web chatting.

Online fatherhood.

***


Isa pang kwentong Ama. Itong Ama na ito ang "pinaka" sa lahat. Pinakamabait, pinakamaawain, pinakamaunawain at pinakamapagmahal. Laging nasa tabi ng Kanyang mga anak araw at gabi. Di namamalo kahit ilang beses magkasala ang Kanyang mga anak.

Ang ating AMA sa langit.

No comments:

  ©Shiny by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP